Ate Guy says sorry to INC

Nora Aunor

Nora Aunor

Superstar Nora Aunor apologizes to the Iglesia ni Cristo (INC) for a remark made on the TV show, “Dating Daan.” Here is the statement of Ate Guy, as Aunor is known in show biz:

Para kay Kapatid na Eduardo V. Manalo (executive minister of Iglesia ni Cristo) at sa lahat po ng mga ministro at mga kapatid natin sa INC:

Humihingi po ako ng paumanhin at kapatawaran kung may nasabi po akong hindi maganda, lalo na ang pagkakabanggit ko ng ‘Iglesia ni Manalo.’

Marami na rin po kasi akong naririnig na mga tao na ganito ang tawag nila, kaya hindi ko alam na ang pagkakabanggit ko ng ganito ay sobrang ikinasama ng loob ng nakararami nating kapatid sa INC.

Inuulit ko na wala po akong masamang ibig sabihin, at hindi ko puwedeng saktan ang damdamin ng kahit na sinong tao, ano man ang kanilang relihiyon.

Isa pa, hindi ako magiging Nora Aunor kung wala po itong mga taong ito na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa akin, mula noon hanggang ngayon.

Itong mga taong ito po ay may kani-kanyang paniniwala at kaanib ng iba’t ibang relihiyon. Kung paano nila ako minamahal at itinataguyod bilang kanilang idolo, triple po ang respeto at pagmamahal ko sa kanila.

Ayoko po hangga’t maaari na makagawa ng bagay na alam kong masasaktan sila.

Siguro naman po kahit papaano ay alam at nakikita rin naman ito ng mga taong nagmamahal sa akin na madalas kong nakakasama at nakakausap na itinuring ko na rin po na pamilya ko. Kaya hindi ko inisip na masama ang ginawa ko.

Umaasa po ako na maiintindihan ito ng ating mga minamahal na mga ministro at kapatid sa INC. Wala pong perpektong tao. Lahat po ng tao ay nagkakamali.

Sino mang pinaniniwalaan nating lahat na naglalang sa atin ay mapagpatawad.
Ito po ang inaasahan ko sa INC: Ang mapatawad ako sa aking pagkakamali. —BAYANI SAN DIEGO JR.

Read more...